Tuesday, May 24, 2005

Pagbabalik Tanaw

Ang bilis ng panahoon, parang kailan lamang ay punong puno ng lumbay ang aking puso sa kadahilanang hindi ako mabiyayaan ng isa man lang supling. Ngayon, naririto ako ng punong puno ng pasasalamat sa Panginoon sa kanyang binigay na biyayang hindi kailanman matutumbas ng kahit na ano pa man, isang napakandang anghel na ang pangalan ay “Janelle” na ang ibig sabihin ay “Ang Diyos ay mapagbigay!”

Sa tuwing nagkakaroon ako ng pagkakataon na makasalamuha ang ilang kapitbahay na may kasalatan sa buhay, nababalot ako ng ibat’ ibang klase ng emosyon. Nalulungkot ako para sa kanila sa kanilang sinapit, ngunit ako ay natutuwa sapagkat hindi naranasan at mararanasan ng aking anak at ng magiging mga anak ang buhay na tulad sa kanila.

Sa bawat bagong gamit, damit, masasarap ng pagkain at ilan pang mga bagay na ibinubuhos ko sa aking anak ay ganon din ang luhang pumapatak sa luha ng kanilang mga anak sa tuwing makikita nilang nilalaro nito ang kanyang mga bagong laruan. “Nay, bili din tayo non…….”, mga katagang madalas kong marinig na may kasamang sama ng loob sa sinapit ng kanilang buhay.

Sa mga mata ng mga batang ito, nakikita ko aking buhay nung aking kabataan, madalas din akong makaranas ng kasamaan ng loob dahil sa kahirapan ng buhay. May mga pagkakataong umiyak dahil sa kagustuhang magkaron ng magagarang damit ngunit hindi man lang nagkaroon ng sandaling pagkakataon na maisuot iyon. Naaalala ko pa ang bawat listahan ng utang namin kay Mang Lucio, nakakahiya mang mangutang ng tuyo at gatas na malapot para sa hapunan namin ay wala akong magawa dahil ako ang panganay. Mangilan-ngilang beses din akong nag-ulam ng mantika at asin, ilang tasang kape na din ang aking nainom na mula sa binusang bigas at ilang beses din akong nagsuot ng nakangiting sapatos na pilit pinapatikom ng ‘rugby’. Tulad din ng mga batang aming kapit-bahay ngayon madalas din akong makaranas ng pagkainggit sa mga batang may kaya sa buhay.

Sa panahong ngayon na ako ay nakakaranas ng kaunting kaginhawan sa buhay, nais kong kahit sa kaunting paraan ay makatulong sa mga batang katulad ko din noon…, mga batang salat sa pagkain, laruan at mga bagay na nakakapagpasaya sa musmos nilang isipan. At sa tuwing makikita ko ang aking anak, lalong napapaalala sa aking isipan na magbigay…,dahil ang pangalan niya ay “Janelle” na ang ibig sabihin ay “Ang Diyos ay mapagbigay…”